Awit pangkaarawan

Ipagdiriwang sa Martes ang kaarawan ng pinuno ng Sama-hang Basketbol ng Pilipinas at Amateur Boxing Association of the Philippines na si Manny Pangilinan.

Noong Biyernes sinimulan na ang pagdiriwang sa isang salu-salo sa Mandarin Oriental sa Makati City. Mga 300 bisita ang nagbigay-pugay sa kilalang negosyante at chairman ng PLDT-Smart.

Bilang pagbibigay-salamat sa kanyang naitulong sa sports, at pagiging inspirasyon sa ating mga kababayan, pinagtulungan  ng Sabado Boys, sa pangunguna ni Jimmy Bondoc, at ng inyong lingkod ang paglikha ng awit halaw sa mga kaisipan na ipinamahagi ni Ginoong Pangilinan sa mga iba-ibang okasyon kung saan siya naanyayahang magsalita.

Marami siyang mahalagang mensahe, tulad ng pagwawagi sa tamang paraan, pananagot sa sarili, at pagiging makabayan.

Nang patugtugin ng Sabado Boys ang awit sa kanilang programa sa Wave 89.1 kahapon ng umaga, marami ang nagbigay ng reaksyon na nakakagaan daw ng kalooban ang simpleng hamon ng awiting pinamagatang “Lahat tayo, MVP.”

Simple lang ang mensahe ng awit: kahit hindi madali ang mga hamon ng buhay, kung magtitiyaga lamang tayo at maniniwala na tama ang ating ginagawa, magtatagumpay pa rin tayo. At bagamat sports ang lingguwaheng ginamit, angkop ito sa pang-araw-araw na situwasyon.

Maligayang kaarawan, MVP.

* * *

Lahat Tayo, MVP

Minsan, mahirap lumaban

Pag di patas ang labanan

Manindigan at magwagi sa tamang paraan

Lahat tayo, pantay isinilang

Di mahalaga pinagmulan

Mas matimbang ang sipag at kakayahan

Huwag umatras, huwag umayaw

Matindi ang laban ng ating buhay

Lakasan mo pa ang paghataw

Naghihintay ang tagumpay

Chorus:

MVP tayong lahat (Lahat tayo, MVP)

MVP tayong lahat (Ako mismo, MVP)

Sa paligsahan ng buhay

Huwag na huwag kang mananamlay

Kung ang lahat, ibibigay

MVP ka habambuhay

(Lahat tayo, MVP)

(Ako mismo, MVP)

Sa sarili ka lang mananagot

Pagtingin mo sa salamin

Lumaban ka. Anumang kailangang harapin

Wala namang nagsabing madali

Na bawat laro’y ipagwagi

Kinaya ng iba, ikaw ba’y bida rin o hindi

Show comments