MANILA, Philippines - Aasintahin ngayon ng Batangas Bulls ang ikalawang titulo sa Baseball Philippines sa muling pakikipagtipan sa Manila Sharks sa Game Two ng Series V Finals sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Papagitna ang Bulls sa labanan buhat sa 13-4 tagumpay sa Sharks sa Game One na nilaro noong Hunyo 28 at pinapaboran pa rin na mangibabaw sa larong itinakda ganap na ika-9 ng umaga.
Magbabalik sa bench ang team manager na si Randy Dizer matapos lumiban sa nagdaang sagupaan upang makasama sa Asia Pacific Little League Championship sa Jakarta, Indonesia at tiyak na sasandal uli siya sa lalim ng kanyang pitching rotation para mawalis ang best of three series.
Kung mananalo ang Bulls ay mapapantayan nila ang nagawa na ng Cebu Dolphins bilang mga natatanging koponan na nakadalawang titulo sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc.
Nalimitahan nina Vladimir Eguia, Romeo Jasmin at Randy De Leon ang batters ng Sharks sa anim na hits lamang sa siyam na innings.
Sinabayan pa ito ng mainit na hitting ng Bulls sa pangunguna ni Erickson Eguia na sumablay lamang ng isa sa limang palo at naghatid ng anim na runs na tinampukan ng 18-hits na ginawa laban sa apat na Manila pitchers.
Apat na beses na nga si-lang nagsanay para sa larong ito kung kaya’t tiyak na nasa tamang kondisyon ang kanyang manlalaro kasama na sina Eguia at Jasmin na nag-cramps sa Game One.
Tiyak namang gagawin ng Sharks ang lahat para mapaabot sa deciding Game Three ang tagisan na kung mangyayari ay gagawin bukas.
Aasa ang koponan na manunumbalik ang tikas ng pitcher na si Mick Natividad na nagbigay ng pitong hits at pitong runs sa fifth inning upang ang 3-3 iskor ay lumobo sa 10-3 tungo sa kanilang kabiguan.
Tatangkain naman ng Cagayan Carabaos na maging kauna-unahang kampeon sa Junior Baseball Philippines sa pagharap sa Alabang Tigers sa Game Two ng kanilang serye.