SINGAPORE — May 1,000 atletang may edad 14 anyos hanggang 17 anyos na mula sa 45 bansa ang papagitna ngayon sa kauna-unahang Asian Youth Games na magsisimula ngayon sa Singapore Indoor stadium dito.
Nangako ang local organizers dito ng magarbo at spectacular na opening ceremonies na pupunuin ng fireworks at cultural presentations kabilang na ang “Garden in the City” na gagampanan ng may 400 estudiyante sa inaugural na pagtatanghal ng 9-day multi-event competition na ito. Ang opening ceremonies ay magsisimula sa alas-7 ng gabi.
Ang Philippines ay binubuo ng 59 atleta, kabilang na ang 18 football players na bumalik sa Pilipinas kahapon matapos makipag-draw sa host Singapore, 2-2 sa isang friendly game sa Jalan Besar Stadium noong Sabado ng hapon.
Ang RP booters ay sumailalim sa quarantine ng pitong araw matapos magpositibo ang 14 anyos na si Claudio Lopa sa Influenza A (H1N1) at inalis sa kompetisyon kasama ang Hong Kong team na may 3 ding positibo sa sakit.