MANILA, Philippines - Dahil sa tumataginting na $120,000 na nakatayang papremyo, inaasahang magiging wide open race ang labanan para sa third Bingo Bonanza Philippine Open Badminton na magsisimula nang pumalo sa July 1 sa PhilSports Arena.
Sa kabuuang bilang ng 50 teams, ang tambalang Bona Septano at Mohammad Ahsan, kasama ang Rian Sukmawan-Yonathan Danuki tandem, ang tinuring na paborito sa pagtugis ng panalo base sa naitalang pwesto sa world ranking.
Subalit hindi nasindak ang iba na hamunin ang No. 8 at No. 10 team. Buo ang loob, nakahandang harapin ng No. 16 Wan Wah Lee at Tan Fook Chong ang dalawang tandem upang iwagayway ang bandera ng Malaysia.
Gaya ng iba, nais ring makamtan ng world’s No. 3 na sina Koo Kien Keat at Tan Boon Heong ang panalo tulad nang maangkin nila ang titulo sa event na hatid ng Bingo Bonanza 2007.
Hindi rin nagpaiwan ang koponan ng Chinese tandem ni Zhiben Chen at Ye Shen, at isa pang Indonesian pair na sina Alvent Chandra at Hendra Gunawan nang makisawsaw sa agawan ng korona sa five-day tournament, Gold star event na inorganisa ng International Management Group.
Upang pangunahan naman ang pagparada ng Pinoy, tatangkain ng Andrei Babad-Peter Magnaye at Paul Vivas-Ronel Estanislao tandem ang kampanya sa blue ribbon event na kinikilala ng Philippine Badminton Association at suportado ng Victor (PCOME Industrial Sales, Inc), PLDT Business Solutions, The Philippine STAR, Holiday Inn, Crowne Plaza at Solar Sports.
Sa kabilang banda, binahagi ni former First Lady Amelita Ramos, pangulo ng PBA, ang positibong saloobin nito na malaki ang tsansa ng Pinoy shuttlers na kumuha ng mataas na ranking points upang makapasok sa 2012 London Olympics.
Ang beteranong pares ng mag-utol na Kenny at Kennevic Asuncion ay muling sasabak naman sa international competition upang ipagmalaki ang talento at abilidad ng Pinoy sa event na kinalalahukan ng 14 na bansa. (Sarie Nerine Francisco)