MANILA, Philippines - Nangangamoy na ang paghaharap ng magka-patid na San Miguel Beer at Barangay Ginebra, ang top placer sa elimination, para sa pangunahing kara-ngalan sa seasong-ending import-reinforced tourney.
Muling tatangkain ng Beermen na tapusin na ang laban kontra sa Burger King Whoppers habang puntirya naman ng Kings na madispatsa ang Rain or Shine Elasto Painters sa kani-kanilang Game Six sa Motolite PBA Fiesta Conference Final Four sa Araneta Coliseum ngayon.
Nakatakda ang salpukan ng Kings at Painters sa alas-4 ng hapon na agad susundan ng pagtitipan ng Beermen at Whoppers sa alas-6:30 ng gabi.
At kung makakahatak ang magkapatid ng panalo, ito ang ikaapat na pagtatagpo ng magkapatid sa finals, sapul noong 2006-07 Philippine Cup finales kung saan nagwagi ang Kings sa Beermen sa ikaanim na laban.
Ito ang pinakahihintay ng title playoff ng mga fans dahil sila ang koponang may pinakamaraming tagasunod sa liga.
At alam ng Kings at Beermen na hindi basta-basta ang laban na ito.
"It's been a tough series and hopefully we can pull through in Game Six," ani Ginebra coach Jong Uichico matapos makadalawa ang kanyang team noong Biyernes at makalapit sa finals ng Fiesta Conference.
"After waiting for so long, they (the Painters) have a crack at the finals. They're really hungry so we can't take them for granted," dagdag ni Uichico.
Ito rin ang nasa isipan ng Beermen laban sa Whoppers ngunit nakuha pa rin ng huli na madala sa isa pang laro ang kanilang sariling serye.
At kumpiyansa naman si BK coach Yeng Guiao na makakahatak sila ng sudden-death.
"We survived the game where we're most vulne-rable. With three guys coming back in Game Six, I think we'll have a better chance of winning," ani Guiao.
Nakatakdang magbalik-aksiyon sa BK sina JR Quiñahan, Mark Yee at Cholo Villanueva. Gayunpaman, hindi nila mapapakinabangan si Beau Belga na isisilbi ang kanyang suspensiyon bunga ng flagrant foul infraction sa Game 4.
"We're always have somebody suspended. I think next is line is myself kaya kailangan ingat. But the guys can cope and compensate. If we survived Friday, then we can do it again Sunday," ani Guiao.
Samantala, nakaba-ngon naman ang Ginebra mula sa masamang kabiguan noong Miyerkules makaraang igupo ang Rain or Shine sa ikalawang sunod na pagkakataon, 96-85 at kunin ang 3-2 bentahe ng sarili nilang serye.
"I'm guessing that we're now playing Rain or Shine with the right frame of mind. At the start, human nature siguro na nagrelax konti ang mga players namin because we beat them twice in the elimination round. We beat them playing with an all-Filipino lineup in the first game then we routed them in the next," ani Uichico.(Nelson Beltran)