Philippine Juniors Pool Championship sa July

MANILA, Philippines – Nasa ikatlong taon na ngayon, magdaraos muli ang Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP) ng taunang Philippine Juniors Pool Championship sa July 10-12 sa Star Billiards Center sa Quezon City.

Inaasahan ng BSCP ang partisipasyon ng mga kabataang mula sa buong bansa. 

Ang naturang event ay bukas sa lahat ng kalalakihan na may edad 19 anyos pababa, Walang entry fee. Kailangan lamang magsumite ang lahat ng interesado ng kanilang balidong birth certificate.

Bukod sa inaasam na titulong Philippine Junior Champion, magbibigay ang torneo ng premyong nagkakahalaga ng P140,000 kung saan ang champion ay magbubulsa ng P50,000 at karapatang katawanin ang bansa sa World Junior Pool Championship na nakatakda sa US sa December.

Ang mga dating nagwagi na sa Philippine Junior Pool Championship ay sina Jerico Banares, 2008 champion na pumangalawa sa world junior championship sa Reno Nevada, at Macmac Mendoza, 2007 champion na kumatawan naman sa bansa sa 2007 championship sa Germany.

Ang registration ay tinatanggap na sa Star Billiards Center sa Quezon City, tel. no. 3646041; BSCP secretary general Boying Santos-Viola sa mobile no. 09215014550; o sa Raya Sports, tel. 8952021.

Show comments