MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng health ministry ng Singapore ang pagkakaroon ng isang Filipino football player ng influenza A (H1N1) virus o mas kilala bilang ‘swine flu’.
Ayon sa health ministry ng Singapore, nasa ‘stable condition’ na ang nasabing national athlete na lalahok sa nalalapit na 1st Asian Youth Games na nakatakda ngayong buwan.
Sumailalim na rin sa ‘quarantine’ ang mga nakasalamuha ng nasabing Filipino football player na hindi pinangalanan ng Singapore.
Kaugnay nito, kinansela na ang mga sports events sa Asian Youth Games kung saan kalahok ang Team Philippines subalit itutuloy naman ang kompetisyon sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 7.
Ang naturang Asian Youth Games ay nagtatampok sa mga atletang may edad na 14 hanggang 17-anyos.
Inaasahang lalo pang maghihigpit ang Singapore sa pagtanggap ng mga delegasyon para sa nasabing sports event na sasalihan ng humigit-kumulang sa 1,300 atleta mula sa 45 bansa.
Sa talaan ng Singapore, umabot na sa 103 kaso ng A H1N1 matapos itong maiulat noong nakaraang buwan.
Sa Pilipinas, may 428 kaso na ng A H1N1, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Sa kabila ng pagkalat ng naturang virus, nauna nang inihayag ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) at ng University Atheltic Assopciation of the Philippines (UAAP) ang pagbubukas ng kanilang mga liga.
Hahataw ang 85th season ng NCAA sa Hunyo 27 sa Araneta Coliseum, habang sa Hulyo naman didribol ang 72nd season ng UAAP. (Russell Cadayona)