Pag-iingat

Magsisimula na uli ang klase para sa mga high school at grade school bukas. Marami ang nangangamba dahil sa anino ng H1N1 na tila lumalaki sa ating paligid. Maiiwasan ba ito?

Playoffs na ng PBA, magsisimula na ang NCAA sa Araneta Coliseum sa susunod na Sabado, at kabuntot nito, ang UAAP. Mapapadami ang laro ng NCAA (karamihan sa Arena sa San Juan) dahil sampu na ang team. Lunes, Miyerkules at Biyernes ang takdang araw ng mga laro.

Ano ang mga pag-iingat na dapat gawin para siguradong ligtas sa panonood ng mga laro?

Payo ng Department of Health, higit na pag-iingat sa mga nahahawakan, lalo na sa kamay, kaya sanayin ang maghugas ng kamay, para lang panigurado. Pangalawa, pag-iingat sa sarili. Kung di aabusuhin ang katawan, di naman kakapitan ng kahit anong sakit. Huwag masyadong magpahina ng katawan sa pagpupyat, paninigarilyo, at pagpapagod.

Maaari ring magsuot ng mga surgical mask, pero mahirap namang magsisisigaw para sa paboritong koponan, hindi ba? Pansinin na rin ang mga nakapaligid. Kung pinagpapawisan o mukhang may sakit, ipagsabi sa mga usher ng gym, para lang masiguradong walang nakahahawang sakit.

Iwasang maubuhan ng katabi.

Pero, higit sa lahat, huwag masyadong tensyonado sa pagpapanood. Nakakapagpahina rin ito ng katawan, at walang naitulong ang kahit anong pag-aalala sa kaninuman.

Maraming lugar na naiipon ang tao sa pagpapanood ng basketbol: pila sa pagbili ng tiket, pila sa banyo, at pag napuno ang lugar, masikip kung minsan. Kailangan lang nga ang pagiging mapagmasid para makaiwas sa sakit.

Liban doon, huwag na-ting hayaang patakbuhin ng pangamba ang ating mga buhay.

Babala rin ito sa atin na alagaan ang ating mga sarili. Ang taong malusog, walang dapat ikatakot.

***

Sa Nomads Sports Club gaganapin ang Asian Five Nations (A5N) Rugby Union Football Championship. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang Pilipinas ang punong-abala. Kung magwawagi ang bansa, aakyat tayo sa Division 2, at mapapabilang sa 12 pinakamagaling na bansa sa rugby sa Asya. Ang mga laro ay nakatakdang ganapin sa hapon ng Hulyo 1 at 4.

Show comments