MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkakataon, muling nabigo si Filipino Rodel Mayol na makuha ang pinapangarap niyang world boxing title.
Tinalo ni Ivan “Iron Boy” Calderon si Mayol via sixth-round technical draw upang patuloy na maisuot ng Puerto Rican ang kanyang World Boxing Organization (WBO) light flyweight crown kahapon sa Madison Square Garden sa New York City.
Bago hamunin si Calderon, natalo muna si Mayol sa kanyang huling dalawang title fights.
Nabigo ang 27-anyos na pambato ng Mandaue City, Cebu kay World Boxing Council (WBC) minimumweight ruler Eagle Den Junlaphan via unanimous decision noong 2006 at kay International Boxing Federation (IBF) light flyweight titlist Ulises Solis mula sa isang eight-round TKO noong 2007.
Napilitan si referee Benji Esteves na itigil ang laban sa 1:50 sa sixth round bunga ng isang accidental head butt ni Mayol na nagresulta sa sugat sa noo ni Calderon.
“Talagang disappointed ako. Ang alam ko kasi ako ang nanalo dahil lamang ako,” ani Mayol, may 25-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs kum- para sa 32-0-1 (6 KOs) ni Calderon. “Kapag gumaling na ‘yung sugat niya sana mabigyan ulit ako ng chance na makalaban siya.”
Binigyan ni judge Tony Paolillo si Calderon ng 58-56 puntos, habang 58-56 naman ang nakuha ni Mayol kay Tom Schreck at 57-57 ang tinanggap ng dalawa kay Steve Weisfeld.
“I was coming in and he would go down low and that’s when I got hit in the head,” sabi ni Calderon. “I got cut and I got head butted again. The blood started to come and the referee (Benji Esteves) told me he might have to stop the fight. I said, ‘That’s your decision.’ But I thought the fight was going the way I wanted it to go.”
Nagbanggaan na ang mga ulo nina Mayol at Calderon sa fourth round bago ito lumala sa fifth round kung saan tinawag ni Esteves si ringside physician Dr. Robert Polofsky para tingnan ang sugat sa noo ng WBO champion.
Ang head butt ni Mayol kay Calderon sa sixth round ang nagtulak kay Esteves para muling ipatingin kay Polofsky ang sugat ng Puerto Rican kasunod ang pagpapatigil sa laban at pagtingin sa scorecards. (Russell Cadayona)