MANILA, Philippines - Umeksena sina Audi Castro ng PTBA at Carmen Talosig ng PBA nang makopo nila ang korona sa men’s at ladies’ Seniors Masters sa 38th Philippine International Open Tenpin Bowling Championships sa Paeng’s Midtown Bowl sa Robinson’s Place Malate, Manila .
Maliban sa 166 sa third game, maganda ang nilaro ni Castro tungo sa 10-game series score na 2,228 pinfalls para isukbit ang men’s Seniors title sa event na hatid ng University of Perpetual Help System, Department of Tourism, Amway Philippines, Philippine Sports Commission Chowking, Colgate-Palmolive, The City Bowling Shop, USAct, Pearl Garden Hotel, Nestle Philippines, Paeng’s Midtown Bowl, Goldbridge Dental Services at Pan Pacific Manila.
Naibulsa ni Castro ang halagang P25,000 bilang premyo sa kanyang pagsisikap na maunahan sina Danny Tuazon ng OBA (2,080) at Egay Latag ng LCTBA (2,055) na pumwesto sa ikalawa at ikatlong posisyon, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabilang dako, nagpagulong naman si Talosig ng 10-game series na 1,928 sa pagkopo sa ladies’ Seniors title at iuwi ang P20,000. Pumangalawa naman si Perla Pacheco ng ITBA-Imus na umiskor ng 1,849 at ikatlo si Mila Robles, 1,842.
Umagaw din ng eksena si Jomar Jumapao ng BTA-Prima matapos na umakyat sa unahan ng men’s Class O singles competition na may three-game series na 747 matapos magpagulong ng 231, 290 at 266. Naungusan na ni Jumapao ang national players na sina Richie Poblete (734) at Biboy Rivera (728) ng 13 at 19 pins, ayon sa pagkakasunod.