MANILA, Philippines - Patuloy ang pagningning nina National pool players Chester King at Liza del Rosario noong Martes ng gabi at itinuro ang daan patungo sa Class O men’s at women’s all-events contest ng 38th Philippine International Open Tenpin Bowling Championships sa Paeng’s Midtown sa Malate.
Naglista ng kabuuang 1,484 mula sa kanyang singles na 686, doubles na 403 at trios na 396 si King, gold medalist sa nakaraang taong Asian Championships para makopo ang men’s all events ng torneong hatid ng University of Perpetual Help System, Department of Tourism, Amway Philippines at Philippine Sports Commission.
Pumangalawa naman si TBAM-PRIMA-RP teammate Biboy Rivera, na may 18 pins sa likuran ng kanyang kabuuang produksiyon na 1,466 habang ikatlo si Raoul Miranda 1,424 sa event na may basbas ng Philippine Bowling Congress.
Sa kabilang dako, si Del Rosario, trios gold medalist sa 2003 women’s world championship, ay bumaraha ng 1,438 mula sa iskor sa trios (657), doubles (406) at trios (375) para makaungos ng 54 pins sa pumapangalawang teammate Krizziah Taborah, ang defending women’s masters champion, na may 1,374.
Nasa ikatlo naman si Kim Lao (1,362) sa two-week championship na ito na suportado din ng Chowking, Colgate-Palmolive, Pearl Garden & Pearl Lane Hotels, Paeng’s Midtown Bowl at Pan Pacific Manila, ang tournament’s official hotel.