MANILA, Philippines - Dalawa sa pinakamahusay na player sa mundo ang maagang nagtagpo sa opening day ng Philippine Open Ten Ball championships sa SM Megamall Megatrade Hall 2 kahapon.
Ngunit mas ipinakita ni Rafl Souquet ang kanyang karanasan at tikas para sa magandang kalaban na si Jasmin Ouschan ng Austria, nang tumbukin nito ang 9-1 panalo at makausad sa round-of-32 sa torneong hatid ng Smart sports, PAGCOR at Star Billiards.
Hindi nagpabaya si Souquet at maagang nakipagkarera sa 8-0 abante para ilatag ang sweep hanggang sa makakuha ng pagkakataon ang magandang Austrian sa 9th rack na nagbigay sa kanya ng unang puntos na siya na ring huli.
Ang pinakamalaking upset ng opening ay inirehistro ng Pinoy-- si dating SEAG gold medalist Victor Arpilleda, Mario Tolentino at Demosthenes Pulpul.
Sinibak ni Arpilleda si Corey Deuel ng US, 9-7 para makasama si Souquet sa susunod na round.
Dalawa pang Pinoy ang umusad sa susunod na round -- sina Mario Tolentino at Demosthenes Pulpul.
Mabilis na bumangon si Tolentino sa masamang simula upang igupo si Ernesto Dominguez habang pinayuko naman ni Pulpul si Elvis Calasag, 9-3.