Semis pag-aagawan ng Cebu at Manila

MANILA, Philippines – Nagliliyab na bakbakan ang mamamagitan sa Cebu at Manila para sa ikalawa at huling awtomatikong puwesto sa semifinals ng Baseball Philippines Series V sa pagpapatuloy ng classification round sa magkahiwalay na palaruan.

Kapwa pupuntiryahin ng nagdedepensang Dolphins at Sharks ang ikalimang panalo sa magkahiwalay na laro na magpapanatili sa mga koponan na masundan ang Batangas na nakuha ang unang upuan sa semifinals sa pamamagitan ng malinis na 8-0 karta.

Ang Dolphins nga ay masusukat sa Bulls sa pangalawang laro ganap na ika-10:30 ng umaga sa Rizal Memorial Baseball Field habang ang Sharks ay mapapalaban sa Dumaguete Unibikers sa parehong oras na gagawin naman sa Sto. Niño Grounds sa Marikina City.

Ang Alabang Tigers ay mapapalaban sa Taguig Patriots sa ganap na ika-7 ng umaga sa Rizal Stadium habang ang huling laro sa triple header ay katatampukan ng Alabang at Quezon City sa Junior Baseball Philippines.

Ang Marikina at Cagayan naman ay magkikita sa alas-2 ng hapon sa isa ring laro sa JBP sa ligang inorganisa ng Community  Sports Inc.


Show comments