MANILA, Philippines - Isang bagong Filipino world billiards champion ang itinanghal kahapon.
Pinagharian ni Dennis Orcollo ang 9th Annual Predator International 10-Ball Championship na nilahukan ng kabuuang 112 cue artists sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Tinalo ni Orcollo, dating top-ranked pool master, si world no.1 at multi-world titlist Ralf Souquet ng Germany, 8-3, sa finals ng naturang torneo.
“I’m very happy that, finally, I won the big one,” wika ni Orcollo ng Bislig, Surigao del Sur sa kanyang pagbubulsa sa top prize $20,000.
“I offer this victory to my countrymen, especially to those who have been and my fellow billiards players like my managers Boss Perry and Ma’am Verna, the BMPAP, the new BSCP and of course to Senator Manny Villar, whose Villar Cup has become training ground for us,” dagdag ng 30-anyos na si Orcollo.
Hindi naging madali para kay Orcollo ang pagharian ang naturang $86,000 event na inorganisa ng Dragon Promotions.
Matapos manalo sa kanyang unang dalawang laro sa qualification phase, nabigo si Orcollo kay American Tony Robles, 6-10, na naghulog sa kanya sa one-loss side.
Tinalo naman ni Orcollo sa naturang yugto si American Jeremy Sossei, 10-2, para makaabante sa 32-man knockout stage.
Iginupo ni Orcollo si defending champion Tony Drago ng Malta, 10-6, sa Last 32 at pinayukod ang kababayang si Rodolfo Luat, 10-6, sa Last 16 kasunod ang 10-6 panalo kay top US pro Charlie Williams sa quarterfinals at 7-4 pa nanaig kay Warren Kiamco sa se mis.