Oracle, Licealiz wagi

MANILA, Philippines – Para ituloy ang alamat ng sister team na Harbour Centre, matagumpay na naiposte ng Oracle Residences ang unang panalo sa semis ng 2009 PBL PG Flex Unity Cup sa San Juan Gym.

Sinalanta ng Titans ang Cobra Energy Drink sa pamamagitan ng malupit na opensa para isalpak ang 83-70 panalo sa Game1.

Lubusan nang napag-handaan ng nangungunang Oracle ang taktika ng Cobra makaraang itapat ang kagila-gilalas na laro ng nagbabalik na si Jerwin Gaco at Rico Maeirhofer.

Sa kabila ng pagka-panalo, naniniwala si coach Glenn Capacio na hindi sila dapat maging kampante sa mga susunod na laban.

“Hindi kami pwedeng mag-relax dahil kahit down sila ng 23 nahabol pa rin nila so we can’t afford to relax,” pahayag ng FEU head coach.

Para itakas ang panalo, humatak ng 17 points at rebounds ang beteranong si Maeirhofer habang tumipa ng 16 points at 11 rebounds si Gaco sa loob ng 26 minutong laro mula sa bench.

“Maganda ang pagkabalik ni Jerwin (Gaco) at nagstep-up siya at instrumental yung leadership niya,” puri ni Capacio sa manlalarong minsan ng naging bahagi ng 6 straight champion team ng liga na Batang Pier.

Matapos ang buzzer beater basket ni Patrick Cabahug, natapyas ng Warriors ang lamang sa 60-49 bentahe sa pagtatapos ng ikatlong yugto na pinangunahan nina Patrick Cabahug at Pari Llagas ang koponan nang tumipa ng 12 points 15 rebounds ang dalawa habang nag-salpak rin ng 10 points si Val Acuna para sa Cobra.

Sa ikalawang laro, pinatatag din ng Licealiz ang kanilang supremidad sa Pharex sa pamamagitan ng 83-72 panalo sa sariling nilang best-of-five semifinal series. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments