Winawalis ng Cleveland Cavaliers ang lahat ng makaharap upang pangunahan ang NBA playoffs. Sa ngayon, pahinga muna ang Cavs habang nagbabakbakan pa ang Orlando Magic at Boston Celtics. Kakaiba ang lakas na pinapakita ng Cleveland ngayong taon, dahil na rin sa ibayong pagpupursigi ni LeBron James. Sawang-sawa na si King James sa pagiging manonood lamang sa playoffs.
Ano ang mga nagbago sa Cavs at naging napakalakas nila ngayong taon?
Una, nang maging bahagi si LeBron James ng Team USA sa Beijing Olympics, nakita niya na marami pa siyang magagawa upang lalo siyang gumaling bilang basketbolista. Dahil matagal niyang nakasama ang pinakamagagaling na manlalaro sa liga - lalo na si Kobe Bryant -marami siyang natutunan. Namulat si LeBron sa katotohanang kaya pa niyang paigtingin ang kanyang pagsisikap. Lalo siyang nagbuhat, lalo siyang nag-ensayo. Bukod dito, tumalas din ang kanyang isipan, at tumapang siya bilang lider. Hindi na siya nadadala ng kung anu-ano, at hindi siya magpapahinga hangga’t di niya nakukuha ang championship.
Pangalawa, mas sanay na ang mga reserba sa dapat nilang gawin, lalo na sa playoffs. Noong isang taon, natututo pa lang sila kung paano magkasama-sama, at kung ano ang inaasahan nila sa isa’t isa. Ngayon, kung baga, hinog na sila, at nadarama ng kanilang mga nakakalaban ito.
Pangatlo, napakalakas ng Cavs sa homecourt. Dadalawang beses lang sila natalo sa homecourt nila sa buong taon. Mala-king bagay iyan, kasi kalahati ng 82 games sa regular season ay nilalaro sa sariling court.
Isipin ninyo, 39 na agad na panalo ang nakuha nila laban sa dadalawang talo sa Quicken Loans Arena. Dalawa ang epekto nito na pinakikinabangan ng Cavs. Nasisindak ang marami nilang kalaban, dahil halos imposibleng talunin ang Cavs, at pati ang mga referee ay nadadala kahit di nila aminin. At, mas importante, hawak ng Cavs ang homecourt advantage sa kabuuan ng playoffs. Pag nagkagipitan, alam nilang nakasandal sila sa pader.
Pang-apat, di masukat ang halaga ng pagdating ni Mo Williams bilang guard ng Cavs. Nagsimula si Williams sa Utah Jazz noong 2003-2004 season, at lumipat sa Milwaukee Bucks sa sumunod na apat na taon. Sa huling dalawang taon niya sa Milwaukee, umiiskor siya ng 17.3 points per game. Sa ngayon, nagtatala siya ng 14.8 points, 4.5 assists at 2.5 rebounds per game sa playoffs para sa Cavs. Subalit ang tunay na halaga niya ay sa pag-ikot ng bola at pagpapakalma sa Cavs tuwing nagigipit sila. Wala nang hahanapin si LeBron sa kanya bilang point guard.
Panlima, walang injured sa Cleveland. Isipin na lang natin, sa Los Angeles Lakers, si Andrew Bynum at Lamar Odom ay magkasunod na nasaktan, at mapalad lang ang Lakers na malalim ang bangko nila, at marami ring injury ang kalaban nilang Houston Rockets. Buong taon, halos di nakapaglaro ang Rockets na kumpleto sila. Pumasok sila sa playoffs na wala si Tracy McGrady. Ngayon naman, nabalian ng paa si Yao Ming. Sa East, kaya nahihirapan ang Boston Celtics ay dahil wala si Kevin Garnett. May mga sari-sari ring maliliit na injury sa mga ibang tulad ni Kendrick Perkins. Pati Dallas Mavericks ay may maliliit na injury rin. Ang Cleveland, malinis sa injury.
Duda akong mawawalis ng Cavs ang playoffs. Bagamat pagod ang Magic o Celtics pagharap sa Cavs, makakakuha ng isa o dalawang panalo pa ang mga iyon. Ang tanong ngayon ay kung mapapanatili ng Cavs ang tindi ng kanilang pagnanais na maging kampeon.