Cobra pasok na sa semis

MANILA, Philippines – Malungkot ang naging katapusan ng karera ng Magnolia Purewater matapos daigin ng Cobra Energy Drink kahapon para sa 2009 PBL PG Flex Unity Cup na ginanap sa San Juan Gym.

Sa pangunguna ni Rudy Lingganay nakubra ng Energy Drinkers ang pwesto sa semis matapos walisin ang Magnolia, 67-62.

Sa fourth quarter, na-tapyas ng Wizards ang 12 point deficit ng Cobra para mailapit ang koponan.

Subalit kinontra ni Lingganay ang momentum ng Magnolia matapos manipulahin ang huling yugto at ipasok ang basket para panghawakan ang 64-58 bentahe sa huling 67 segundo ng Game 2 quarterfinal series.

Naipanalo ng Cobra Energy Drink ang serye sa pamamagitan ng sweep.

Samantala, nakaabang naman ang Oracle Titans sa hamon ng Energy Warriors para sa best of five semifinals na magsisimula bukas. Habang magkakasubukan naman ang Licealiz at Pharex sa kabilang banda.

“It was the resiliency of our boys that was the key,” pahayag ni Cobra head coach Lawrence Chongson na kakauwi lang galing United States.

Para makapasok sa semis, kayod kabayo ang ginawa ng bataan ni Chongson para dominahin ang laban.

Walang mintis sa three point zone si James Martinez na umambag ng 11 points para sa Cobra habang namayani ang 10 points na kontribusyon ni Lingganay.

Samantala, isang nakakadismayang katapusan ito para sa Magnolia na tinuring na runner up ng Harbour Centre sa nakaraang kumperensya.

Kahit nakauna sa quarterfinals, nabigo ang tropa ni Neil Raneses na maipagpatuloy ang kampanya sa liga.

Hindi naging epektibo ang taktika ng Magnolia nang mag-ambag lang ng 4 points si Marcy Arellano.

Sinubukan man bumawi ng Wizards sa pamamagitan ng 14 points at 7 rebounds ni Al Magpayo at 13 points, 8 rebounds produksyon ni Alcaraz, umuwing luhaan ang Magnolia. (Sarie Nerine Francisco)

 Cobra 67 -- Martinez 11, Lingganay 10, Cabahug 8, Espiritu 7, Lee P. 6, Colina 6, Acuna 5, Fampulme 5, Llagas 4, Daroya 2, Fortune 2, Reyes 1, Lee R. 0, Thiele 0.

 Magnolia 62 -- Raneses 22, Magpayo 14, Alcaraz 13, Torres 6, Arellano 4, Losentes 3, Mirza 0, Amparado 0, Menor 0, Taylor 0, Pascual 0, Hayes 0, Saldua 0.

 Quarterscores: 11-13; 26-24; 51-40; 67-62


Show comments