MANILA, Philippines – Sa kabila ng biglaang buhos ng ulan, hindi pa rin napigilan ang mga kababayan ni Manny Pacquiao sa General Santos City sa pagsalubong sa Filipino boxing superstar kahapon.
Kung itim na long sleeves, abuhing chaleco, kremang slacks at French cap ang isinuot ni Pacquiao sa kanyang motorcade noong Lunes sa Maynila, long sleeves na may la-vender stripes at sumbrero naman ang kanyang ipinarada sa ilang kalsada sa GenSan.
Sa ulat ng DZBB, nakasama ng 30-anyos na world five-division champion sa sinakyang float ang kanyang inang si Aling Dionisia, amang si Mang Rosalio at ilang city officials at supporters.
Mula sa isang press conference sa oval plaza ng GenSan kung saan niya pinasalamatan ang Panginoong Diyos sa kanyang second-round TKO kay Briton Ricky Hatton noong Mayo 3 sa Las Vegas, Nevada, dumiretso naman ang grupo ni Pacquiao sa Kiamba, Sarangani Province.
Sa nasabing probinsya sinasabing tatakbo si “Pacman” para sa Congresssional seat sa 2010 matapos matalo sa distrito sa South Cotabato noong 2007.
Bago umuwi sa GenSan, kinilala muna si Pacquiao ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang “Sugo ng Kapayapaan at Pagkakaunawaan” (Ambassador of Peace and Understanding) kasama ang isang encased copy ng Proclamation 1764 o mas kilala bilang “Pacquiao Day” sa isang courtesy call sa Malacañang kamakalawa.
Iniluklok rin si Pacquiao bilang “special assistant to Justice Secretary Raul Gonzales on intelligence matters.”
Bilang isang DOJ agent, makakatulong si Pacquiao sa pagbibigay ng intelligence report kay Gonzales.
“Masaya rin ako sa pagbibigay sa akin ng tiwala,” sambit ni Pacquiao, kamakailan ay gumanap ng papel bilang isang rebelde sa pelikulang “Anak ng Kumander”.
“It will have to be assessed,” ani Gonzales sa ipapasang impormasyon sa kanya ni Pacquiao. “We will not just accept any report. It has to be assessed to find out if there is basis for a report. But the fact he is offering himself for free, that is laudable.” (RCadayona)