MANILA, Philippines - Sa pagdiriwang ng araw ng mga ina, nabigyan ang Lady Tams ng magandang regalo makaraang hawiin ang defending champion na Adamson sa nakakasurpresang 25-22, 25-21, 25-17 panalo para iseguro ang pwesto sa quarterfinals ng Shakey’s V-League kahapon sa Blue Eagle Gym.
Taliwas sa inaasahan, mabilis na nadomina ng FEU ang laro na tumagal lamang ng 1 oras at 12 minuto.
Binanderahan ni Maica Morada ang FEU sa kanyang inilistang 14 hits, habang nagpasikat naman si Shaira Gonzales na pumalo ng 10 points para tuluyan ng palubugin ang Lady Falcons.
Sa pinakitang laro ng Lady Tams, determinado ang grupo na madaig ang kalaban sa unang bahagi pa lang ng laro, agad na pinagtuunan ng pansin ng FEU ang pantapat na play sa matinding depensa ng Adamson, para makasunod sa San Sebastian at iuwi ang 4-1 baraha sa ligang hatid rin ng Shakey’s Pizza.
Samantala, maaga namang nasungkit ng three time champion, UST ang pwesto sa susunod na round, hawak ang 5-1 kartada.
Sa pinagsamang 17 hits produksyon nina Rachel Daquis at guest player Mayette Carolino, kabilang ang 7 points ni Cherry Vivas, makakasagupa ng Lady Tams ang determinadong SSC sa bakbakang masasaksihan bukas para sa torneong inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Accel, Mikasa at OraCare.
Para sa AdU, pinangunahan ni Angela Benting ang koponan ng mag-ambag ito ng 11 points. Nailuklok sa pwesto ang tropa tangan ang 3-2 rekord. (Sarie Nerine Francisco)