MANILA, Philippines - Inspirado dahil sa panonood ng kanyang Pinay na ina galing sa United States, umiskor si Fil-Am forward Jay Washington ng 21 puntos para ibalik sa ‘winning form’ ang San Miguel.
“I was nervous in the first half because she’s watching me here, but I kinda workded it out in the second half,” ani Washington sa kanyang ina kasabay ng paggiya sa Beermen sa 91-84 panalo laban sa Alaska Aces sa classification phase ng 2009 PBA Fiesta Conference kahapon sa Araneta Coliseum.
Nagdagdag naman ng 18 marka si import Gabe Freeman, 17 si Dondon Hontiveros at 11 kay Olsen Racela, pito rito ay kanyang hinugot sa final canto, para 8-1 kartada ng San Miguel.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Gin Kings, target ang kanilang pang limang sunod na arangkada, at ang Realtors habang isinusulat ito.
Buhat sa 47-44 abante sa halftime, pinalobo ng Beermen sa 18-puntos, 70-52, ang kanilang kalamangan sa 4:27 ng third period at nanghina sa fourth quarter kung saan nakadikit ang Aces sa 76-79 agwat sa 7:29 nito mula kina import Rosell Ellis, two-time Most Valuable Player Willie Miller, Joe DeVance at Reynel Hugnatan.
Isang 10-0 atake naman ang ginawa nina Washington, Racela at Hontiveros upang muling ilayo ang San Miguel sa 89-76 sa 3:46 ng laro kasunod ang muling paglapit ng Alaska, nasa isang two-game losing skid ngayon, sa 84-89 sa huling 1:39.
Ang mintis nina DeVance at Hugnatan ang nagresulta sa dalawang freethrows ni Racela para sa 91-84 bentahe ng Beermen sa Aces sa natitirang 23.5 segundo para sa pinal na iskor.
Samantala, hangad naman ng Coke ang kanilang ikatlong sunod na ratsada sa pakikipagsagupa sa bumubulusok na Talk ‘N Text ngayong alas-5 ng hapon sa Calape, Bohol. (Russell Cadayona)