Pharex pasok na sa semis: Licealiz talo pero umusad din

MANILA, Philippines – Nakaganti ang Pharex sa Oracle Residences na tumalo sa kanila sa unang round, 86-79 upang makopo ang ikatlong outright semifinals berth ng PBL PG Flex Unity Cup kahapon sa San Juan gym.

Ipinakita ang kanilang pruweba na hindi tsamba ang kanilang 80-61 panalo sa Magnolia Purewater noong nakaraang Martes, sa simula pa lamang ng laro ay mainit na ang Bidang Generix para ipalasap sa Titans ang kanilang ikalawang kabiguan.

Ang Bidang Generix ay nagtapos sa three-way tie kasama ang Licealiz at Magnolia para sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto ngunit nakuha ng Hair Doctors at Bidang Generix ang mataas na quotient na nagsiguro ng huling awtomatikong semis berth kaysa sa Wizards.

Nauna rito, tinabunan ng power tandem ni Eder Saldua at Fil Am rookie Edwin Torres ang kalaban sa ikalawang bahagi ng laro matapos igupo ang Licealiz, 75-63.

Tinapos ng 6’2 player na si Saldua ang laban na may 16 points, samantalang tumipa si Torres ng 12 points, 3 rebounds, 6 assists at 4 steals sa loob ng 11 minutong laro para ibangon ang koponan mula sa pagkabigo kontra Pharex noong Martes.

Samantala, pumoste ang 6 foot 5 na si Taylor ng 11 points at 10 rebounds sa tulong nina dating UAAP MVP Jervy Cruz at James Sena para masikwat ang panalo para sa Licealiz habang humina ang performance ni Fil Am Josh Vanlan-dingham na bumuslo lang ng 6 points. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments