Semis puntirya ng Magnolia vs Pharex

MANILA, Philippines – Asam ng Magnolia Purewater na maigupo ang Pharex Batang Generix para makuha ang ikatlong pwesto sa semis, habang, nais ng Oracle Residence na makabalik sa winning track ng 2009 PBL PG Flex Unity Cup sa San Juan gym.

Sa kabila ng kayod kabayong ginawa ng Pharex para payukurin ang Magnolia sa unang round sa iskor na 75-68, kumpiyansa ang Wizards na mauungusan nila ang kalaban matapos walisin ang nangungunang koponan sa liga na Oracle Titans 77-75 noong Huwebes.

Ang gametime ay ganap na alas-4 ng hapon. 

Sa inisyal na laro, matutunghayan naman ang sagupaan sa pagitan ng Cobra Energy Warriors at Oracle Residences sa ganap na alas dos.

Bukod sa Titans, pasok na rin sa semis ang dating Hapee Toothpaste team na may hawak na 4-3 baraha.

Sa kabilang banda, bitbit ng Wizards ang 3-3  record, habang 2-4, panalo talo para sa Bidang Generix. 

Ang dalawang koponang malalagak sa huling puwesto ay maglalaban para sa best of three quarterfinal series na magsisimula sa Sabado.

Para mapangalagaan ang titulo, hangad ng No.1 team sa unang round, na maipanalo ang dalawang natitirang laban upang maituloy ang winning feeling ng sister team ng Harbour Centre.  

“We have to win our two remaining games to have that winning feeling’ in the semis. It’s important to go to the semis round on a winning note,” wika ni coach Glenn Capacio na sasandig sa mga beteranong sina Rico Maierhofer, Benedict Fernandez, Edwin Asoro at Fil Am rookie Chris Timberlake.

Sa pangunguna ni dating San Beda star, Ogie Menor at Marcy Arellano, gigibain nila ang depensa ng Titans.

Nakapagtala ang 6’2 na si Menor ng 17 points at 6 rebounds sa nakalipas na laro. Samantala, pambato naman ni Pharex coach Carlo Tan ang husay nina Cebu hotshot Ian Saladaga, Ronnie Matias, Don Villamin at Chris Ross. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments