MANILA, Philippines – Nailusot ng Adamson Lady Falcons ang panalo sa kabila ng kakulangan ng dalawang guest player ng grupo kontra sa solidong depensa ng St. Benilde, 25-20, 18-25, 24-26, 26-24, 15-10 sa makapigil hininang pagtatagpo kahapon sa 6th Shake’y V-League sa The Arena, San Juan City.
Pumalo ng career high, 21 hits si Paulina Soriano para suportahan ang Lady Falcons na mailusot ang panalo sa umaatikabong aksyon sa court.
Katulad ni reserve hitter Angelica Quinlong, na nagpakitang gilas para makamit ang dalawang sunod na panalo, naglista rin si Rissa Jane Laguilles ng 18 points para punan ang kawalan nina Lilet Mabbayad at reigning MVP Nerissa Bautista na kasalukuyang naglalaro sa Vietnam.
Inaasahang makakalaro na si Bautista sa salpukang Falcons at Tamaraws na nakatakda sa May 10 sa pagpapatuloy ng single round robin elims ng ligang hatid ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision sa tulong ng Accel, Mikasa at Oracare.
Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng St. Benilde makaraang kulangin ang 24 hits na naiambag ni Maureen Penetrante at tig 12 points na kontribusyon ni Cindy Velasquez at Giza Yumang.
?Nakapagtala ang Lady Blazers ng season high 23 blocks sa pamumuno ni Yumang na umatake ng 7 blocks at 6 blocks naman mula kay Penetrante.
Samantala, nakapasok din sa win column ang Lyceum matapos mahulog ang apat na laban, nang daigin nila ang University of the Philippines, UP, 25-19, 25-16, 20-25, 25-19, sa ikalawang laro.
Dahil sa panalo, nana-natiling buhay ang pag-asa ng Lady Pirates sa pagsungkit ng quarterfinal slot habang nalugmok naman ang Lady Maroons na nilasap ang ikaapat na sunod na kabiguan. (Sarie Nerine Francisco)