MANILA, Philippines - Pinatunayan ng Oracle Residences Titans, sister team ng Harbour Centre, na may ipagmamalaki din sila tulad ng Batang Pier, makaraang pasadsarin ang Magnolia, 74-63 habang nailista na rin ng Pharex Batang Generix ang kanilang unang panalo makaraang igupo ang Cobra Energy, 71-69 sa pagpapatuloy ng 2009 PBL PG Flex Cup sa San Juan Gym.
Tumipa naman ng 17 puntos si Edwin Asoro para sustinahan ang pagkawala nina Barroca, Mac Baracael, JR Cawaling at Aldrech Ramos na kasama sa RP developmental team na tumungo sa US.
Winalis ng Titans ang kani-lang apat na larong asignatura para sa unang round ng torneo.
“I’m happy that even without the RP team players, nagstep-up ang team,” wika ni Oracle head coach Glenn Capacio. ”Yan ang kagandahan sa team na ito, may mga players na nagcontribute at hindi isa o dalawa lang ang aasahan.”
Sa naunang laban, matapos ang sunod-sunod na pagkatalo, nakubra din ng Batang Generix ang kanilang unang panalo.
Naiangat ni rookie guard Chris Ross ang kanyang koponan mula sa ibabang posisyon ng magpakawala ito ng 24 puntos sa umaatikabong laban nito sa Energy Drinkers.
Nag-ambag rin ng 8 rebounds, 5 assists at 2 steals si Ross sa nalalabing 33 segundong laban, sapat na para maging dahilan upang mapanatag ang loob ni coach Carlo Tan.
Bunsod ng panalong ito, kasalo na ng Pharex ang Cobra at Licealiz sa 3-5 pwesto sa liga. (Sarie Nerine Francisco)