MANILA, Phillippines - May 32 players, kabilang na ang 12 dayuhan ang maglalaban-laban sa panimula ng Subic-Olongapo Open Pool Championship na gaganapin sa Olongapo Convention Center.
Babanderahan ni two-time World Junior champion Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei, ang mga dayuhang pool masters ay darating sa bansa upang hangarin ang Richard Gordon golden trophy na donasyon ni Mayor James Gordon bukod pa sa premyong $10,000.
Bubuksan ni Mayor Gordon ang hostilidad at aasiste naman si Subic Bay Metropolitan Authority administrator Armand Arreza simula alas-10 ng umaga.
Ang Taiwanese na si Ko ang top seed sa torneong ito habang si Jericho Banares, na pumangalawa kay Ko sa World Junior meet ang No. 2 at siya rin ang babandera sa kampanya ng mga Pinoy.
Ang iba pang kilalang Pinoy na nakapasok sa event ay sina Demosthenes Pulpul at Jeff de Luna. Samantala, ang iba pang dayuhang kasali ay kinabibilangan nina Ricky Yang ng Indonesia (5), Amir Ibrahim ng Malaysia (6), Japanese veteran cue artist Kenji Taguchi at Lu Hui-Chan ng Chinese-Taipei.
Walong players ang nakapasok sa main draw sa bisa ng kanilang performance sa Stage 1.
Ito ay sina Luis Saberdo, Ericson Navarette, Ramil Gadjala, Boots Augusto, Roland Garcia at Alex Nobleza ng Philippines at Wieto Siauw at Ridu Susanto ng Indonesia.