Makulay na palabas hudyat ng PRISAA National Games

NAGA City , Philippines  --Sisimulan na ngayon ang hostilidad ng 2009 PRISAA National Games sa pagtanggap ng mga atleta at opisyal dito sa bayang mayaman sa kultura at pormal na magsisimula naman sa Lunes.

May nakalinyang streetdance at festival parade ang Naga City government at Private Schools Athletic Associations Bicol Region simula alas-3 ng hapon sa metropolis para sa mga delegado ng pangunahing collegiate sportfest sa bansa na hatid ng Commission on Higher Education at Philippine Sports Commission.   

Ang mga contingents mula sa anim na probinsiya at pitong bayan at lungsod sa Bicol region ay magpapakita ng kanilang tourist attractions tulad ng Pili Festival ng Sorsogon City, Ibalong ng Legazpi City at ang pamosong Peñaftrancia Festival sa Naga.

Ang delegasyon mula sa 17 rehiyon ng bansa ay magiging bahagi ng makulay na seremonyas na hatid ng Smart Communications at San Miguel Corporations.

At sa hapon, magbibigay ng inspirational talk si businessman-sportsman Manny V. Pangilinan, chief honcho ng Smart at PLDT sa lahat ng partisipante na magtitipun-tipon sa Plaza Quezon.

Ang opening ceremonies ay inusad sa Lunes dahil sa pabago-bagong panahon dito at upang mapagbigyan ang iskedyul ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na siyang panauhing pangdangal.

Ang opening rites ay gaganapin sa loob ng bagong bukas na Villa Caceres Hotel na maaaring tumanggap ng kabuuang 4,000 katao ang ballroom.

Ilan sa mga dadalo ay sina CHED Chairman Manny Angeles, PSC Chairman Harry Angping, PRISAA chairman, Dr. Gonzalo Duque, at PRISAA president Carlo Villanueva.

Inaasahan din ang pagdating nina Rep. Dato Arroyo, Camarines Sur Gov. El-Ray Villafuerte at Naga City Mayor Jessie Robredo.


Show comments