BAGUIO CITY , Philippines -Matagum-pay na nakumpleto ni Mark Guevarra ang kanyang biyahe upang magpakilala sa larangan ng karera ng biskleta.
Matapos ang impresibong performance sa killer Baguio-to-Baguio lap, kinoronahan ng 23 anyos na auto painter mula sa Bagong Silang, Caloocan, ang sarili sa penultimate stage ng 7-day summer sports spectacle.
“Masayang-masaya ako,” nakangiting wika ni Guevarra, na may hindi malilimutang tinapos noong 2006 (19th) at 2007(24th) Padyak Pinoy Tour.
“Opo, pinangarap kong mag-champion dito sa tour, pero hindi ko inakalang ngayon ko ‘yun makakamit,” dagdag ng di-gaanong kilalang rider ng Team Road Bike-7-Eleven na nakatakdang tumanggap ng premyong P50,000 para sa individual general classification.
“Ang goal ko bago magsi-mula ang karera ay makapasok lang sa top 10 para makasama ako sa national team.”
Isang araw makaraang agawin ang yellow jersey kay Lloyd Lucien Reynante sa isang record-breaking na paraan, dinikitan lamang ni Guevarra ang mahigpit na mga kalaban sa buong 195 km stage na tumahak pababa ng Marcos Highway paakyat ng Naguillan at muling pababa ng Marcos Highway at paakyat naman sa matarik na Kennon road.
Hindi bale nang mawala ang titulo bilang King of the Mountain na napunta kay Baler Ravina, ang stage winner, mas nakatuon ang pansin ni Guevarra sa mas malaking premyo.
“Hindi ko na inintindi ‘yung KOM, mas mahalaga sa akin itong overall title.”
Kumawala sa huling 45 kms si Ravina, skipper ng Team Batang Tagaytay, at solong tumawid sa finish line upang mapagwagian ang Stage 6 at masungkit ang titulong hari ng kabundukan na nagkakahalaga ng P20,000.
Ang panalo ni Ravina ay nagbigay sa kanya ng 4th place overall mula sa 11th place bago ang karera.
Napagwagian naman ni Sherwin Diamsay ang Sprint King habang si Mark Bonzo, anak ng yumaong 1983 Tour rookie champion Romeo Bonzo at pamangkin ni race director Modesto ang Rookie of the Year award.
Magtatapos ang karera ngayon sa pamamagitan ng team time trial, isang 60km race sa palibot ng Macapagal Blvd. circuit sa Parañaque.