MARIKINA CITY, Philippines —Isang ‘di-gaanong kilalang siklista ang nagpakilala sa larangan ng karera nang agawin ni Mark Guevarra, ang eksena mula sa mga bigatin sa pagkuha ng Marikina leg ng Liquigaz-LPGMA Tour of Luzon na muling nahati bunga ng mabigat na trapiko.
Ang 23 anyos na si Guevarra, beterano ng 2006 at 2007 Padyak Pinoy ay solong tumawid sa Stage 3 na nagmula sa Tagaytay City pababa sa Marikina Sports Center sa bilis na apat na oras, apat na minuto at 12.48 segundo na una kina veteran Benito Lopez Jr. ng Batang Tagaytay team.
“Proud na proud ako sa nagawa kong ito,” ani Guevarra, na nagtatrabaho sa isang auto painting shop sa kanyang kauna-unahang stage victory.
“Wala rin sa plano ko na kunin itong stage na ito, basta sinunod ko lang ‘yung gameplan ng team (Road Bike-7-Eleven) namin na protektahan ‘yung lamang namin sa team competition. Pero ’nung nagkaroon ng pagkakataon, kinuha ko na,” dagdag ni Guevarra.
Pinili din ni dating Eagle of the Mountain na si Paquito Rivas, pinuno ng race management group Philippine National Cycling Association, si Guevarra bilang isa sa batang contender para sa overall title ng karerang may basbas ng PhilCycling na pinamumunuan ni Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino.
“Climber siya, at malaki ang pag-asa niyang manalo dito,” patungkol ni Rivas sa batang rider na nagpakitang-gilas sa akyatin sa Sierra Madre qualifying races ng Tour na inorganisa ni Arnel Ty sa pamamagitan ng Liquigaz at ng Liquified Petroleum Gas Manufacturers Association (LPGMA).
At dahil din sa panalong ito ni Guevarra umakyat ito sa ikalimang posisyon sa overall mula sa 11th place na may 50 segundo ang layo sa bagong overall leader na si Lloyd Lucien Reynante ng American Vinyl.
Ang kabuuang oras ni Reynante na 11:57.32 ay anim na segundong mas maganda kay My Photo team captain Merculio Ramos at 17 segundong abante naman kay Dante Cagas.
Kasama sa top 10 overall individual sina Joel Calderon ng DPT Law eighth (2:37:00 behind), Santy Barnachea ng Mobile Wonder-Magic Prints (3:03:00 behind) at Oscar Rendole ng Geostate-The Beacon (4:18:00 behind).