BANGKOK – Umusad sa semifinals si light flyweight Gerson Nietes ng 31st King’s Cup boxing tournament ngunit nagkaroon ng dramatikong pagpigl sa kampanya ng dalawa pang miyembro ng Smart-Team Philippines sa Convention Center ng Gnamwongwan Mall dito.
Pinayuko ni Nietes ang Russian na si Alexander Samoylov, 7-3, upang matabunan ang hindi magandang pangyayari .
Ipinoste ng underdog na si Nietes, pamangkin ni world minimumweight Donnie Nietes, ang isa sa pinakamalaking upset sa kompetisyon upang isaayos ang laban kay Southeast Asian Games medalist Kaaw Pongprayoon ng host Thailand.
“Okey lang, I will just fight my fight, and see what happens tomorrow,” ani Nietes na nagtapos kamakailan sa Emiliano Lizares High sa Bacolod.
Samantala, wala nang bukas para kina bantaweight Joan Tipon at lightweight Joegin Ladon.
Yumuko si Tipon, gold medal winner sa 2006 Doha Asian Games, kay Chatchai Butdee ng Thailand, 11-5, habang lumasap naman ng matinding sugat si Ladon mula sa siko ng kalaban nang magwagi ito sa iskor na 15-5 kontra kay Amangeldi Hudaybergenov ng Turk-menistan. Ngunit dahil sa sugat hindi ito makakalaban sa semis para sa kanyang kaligtasan.
Halos abot ni Tipon ang panalo ngunit higit na mas agresibo ang kalaban niya.
“Parang na-pressure ako masyado nung lamangan agad ako, kahit pakiramdam ko wala namang scoring punches,” panghihinayang ni Tipon.
Habang nagpamalas ng magandang lateral movements si Ladon para i-set-up ang ang ulo para sa 3-4 punch combination na nagpahilo sa kalaban.
Ngunit hindi ito naging maingat sa final minute nang tumama ang siko ng mas matangkad na kalaban sa kanyang kanang mata.
Agad na tinawag ng referee ang ringside doctor nang makitang umaagos ang dugo mula sa sugat. Nagpatuloy ang laban hanggang sa magwagi ito at isaayos ang semifinal bout niya kontra sa Thai na si Atchariya Heawsuno.
Bagamat binigyan ng green light ito ni chief physician Dr. Ort ng Norway, binalaan din si Ed Picson, pinuno ng RP delegation at executive director ng ABAP na maaaring lumaki ang sugat kapag muling tinamaan ito.