Fearless 9 sasambulat sa Sabado

MANILA, Philippines - Bukod sa nalalapit na Fearless 9 na sasambulat sa Sabado, nakatakda ring lusubin ng Fearless Fighting Championship ang countryside ngayong taon.

Plano ng organizing Fearless Promotions Inc., na dalhin ang sikat na mixed martial arts event sa Luzon at kung hindi magkakaroon ng hadlang sa pinansiyal ay malamang na magtungo na rin sa Visayas at Mindanao region.

Inilahad ni matchmaker Robert San Diego ang proposal nang dumalo ito sa lingguhang PSA Sports Forum sa Shakey’s UN Ave, branch, kasama ang defending featherweight champion na si Joel Amurao.

“Actually after the Fearless 9 tournament, we’re looking for four or three more competitions this year and that may include staging it in the provinces,” aniya.

Binanggit ni San Diego ang kalapit na lugar sa Luzon tuad ng Bataan at Baguio na pagdarausan ng Fearless Fighting Championshsips. At buhat dito, isusunod naman ang Cebu at Davao.

 “Eventually kasi doon din kami pupunta sa mga provinces because marami na ring fans ang mixed martials arts doon. Medyo mahirap, pero mas mahirap `yung ma-stall ka. Kailangan talaga tuluy-tuloy ang competition,” wika ng batang matchma-ker sa sesyon na hatid ng Shakey’s, Accel, Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) at Outlast Battery.

Nakatakda sa Abril 4 sa Ynares Sports Center sa Pasig, ang Fearless 9 ang pinakabagong hatid sa local mixed martial arts na nasa ikaapat na taon na.   

Itataya ni Amurao, dating boxer at wushu practitioner ang kanyang 129 lbs title laban kay Kid Rodel Orais sa isa sa tatlong tampok na bakbakan.    

Idinagdag ni San Diego na dalawang dayuhang fighters ay sasabak din sa aksiyon sa 12 match card.

Ang iba pang championship duel ay kabibilangan nina Ryan `Lion’ Diaz laban kay Joe Taimanglo para sa lightweight title at Razi Jabarri vs Cesar Yarte sa middleweight crown.


Show comments