Donaire, Peñalosa, Nietes Elorde Boxers of the Year

MANILA, Philippines - Tatlong mga world champions na matagumpay na nagdepensa ng kani-kanilang mga korona sa magkakahiwalay na kalaban noong nakaraang taon ang tinanghal na Boxer of the Year na pararangalan sa idaraos na 2008 Gabriel ‘Flash’ Elorde Memorial Awards sa March 25 sa Manila Hotel Tent City.

Ang mga top boxers ng nakaraang taon ay kinabibilangan nina International Boxing Federation flyweight champion Nonito Donaire, World Boxing Organization bantamweight titlist Gerry Peñalosa at WBO minimum weight title holder Donnie Nietes.

Ang tatlong nabanggit na boxers ay tatanggap ng pinakamataas na karangalan na kagaya ng ipinagkaloob kay boxing superstar Manny Pacquiao, na pinarangalan ring ngayong taon bilang World’s Best Pound-for-Pound Boxer.

Pangungunahan ni Pacquiao, na iniluklok sa Elorde Boxing Hall of Fame noong 2007 at tatlong beses na nahirang na boxer of the year ang international at national champions sa Awards Night and Banquet of Champions, na idaraos kasabay ng 74th birth anniversary ni Flash Elorde, ang world’s longest reigning junior lightweight champion (1960-67).

Sa kabila ng pagliban ni Donaire ng halos isang taon matapos na gumawa ng pangalan noong 2007 bunga ng kanyang panalo sa walang talong Australian na si Vic Darchinyan, napanatili pa rin niya ang kanyang IBF flyweight title matapos ang sixth round technical knockout laban kay Moruti Mthalane ng South Africa sa kanyang nag-iisang laban para sa taong 2008.

At sa edad na 36, ipinamalas pa rin ni Peñalosa ang kanyang tikas matapos na mapanatili ang kanyang WBO title sa bisa ng eight-round stoppage kontra sa Thai na si Ratanachai Sor Vorapin noong Abril 6 ng nakaraang taon sa Araneta Coliseum. Tinapos niya ang nasabing taon taglay ang ring record na 53-6-win-loss record na may 36 knockouts.

Sa kabila ng hindi pagiging aktibo ng 28-anyos na si Nietes, mula sa Murcia, Bacolod sa halos 11 buwan bago siya sumalang sa laban at matagumpay nitong naidepensa ang kanyang korona laban sa Nicaraguan na si Didy Castro noong August 30, 2008 matapos na manalo sa bisa ng technical round sa 2:44 ng second round.

Sa ikalawang pagkakataon matagumpay ring naidepensa uli ni Nietes ang kanyang korona noong nakaraang Feb. 28 sa bisa ng unanimous decision laban sa Mexican na si Erick Ramirez.

Ang nasabing panalo ang nagpatingkad ng kanyang ring record sa 23-3 na may 13 knockouts.

Show comments