Patuloy ang pagmartsa nina Johnny Arcilla at Patrick John Tierro patungo sa inaasam na finals duel bagamat muling nagtala ng upsets sa women’s singles sa first Metro Open People’s Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.
Dinimolisa ng top seed na si Arcilla si 8th pick Rocky Paglalunan, 6-1, 6-2 at pinatalsik naman ng No. 2 na si Tierro si seventh pick Ronald Joven, 7-6 (5) ,7-5, upang umabante sa semis ng P302,000 tournament na ito.
Makakalaban ni Arcilla sa Final 4 si Jaime Solon na nanaig kay No. 2 Rolando Ruel Jr., 7-6 (5), 2-6, 7-6 (3), habang makakaharap naman ni Tierro si 4th pick Ralph Kevin Barte na nanaig kay No. 5 Elbert Anasta, 6-4, 7-5.
Nagnakaw ng eksena sa hostilidad ng kalalakihan sina Ma. Regina Santiago at Anna Christine Patrimonio na nagpatalsik sa mga seeded campaigners at angkinin ang semifinals berth.
Sinorpresa ni Santiago si top seed Bambi Zoleta, 6-4, 6-3 at pinayuko naman ni Patrimonio si 2nd seed Michelle Pang, 7-6 (5), 6-7 (5), 6-4.
Ang panalo ay nag-ayos kay Santiago sa semifinals sa magwawagi kina No. 3 Aileen Rogan at No. 6 Trudygine Amoranto habang makakalaban naman ni Patrimonio si 5th seed Jessica Marie Agra na nanaig kay Marinel Rudas, 6-7 (4), 6-4, 6-2.