Hanggat maaari ay hindi ibibigay ni Filipino challenger Gerry “Fearless” Peñalosa sa mga hurado ang desisyon sa kanilang laban ni world superbantamweight champion Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico sa Abril 25 sa San Juan, Puerto Rico.
Ayon sa 36-anyos na si Peñalosa, sa opening bell pa lamang ay magiging agresibo na siya sa kanilang banggaan ng 25-anyos na si Lopez.
“Hindi natin ibibigay sa mga judges ang desisyon dahil challenger tayo at sa lugar pa nila sa Puerto Rico gagawin ang fight,” sabi ni Peñalosa, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight titlist.
Pansamantalang iiwan ng tubong San Carlos City, Cebu ang naturang korona sa paghahamon kay Lopez para sa suot nitong WBO super bantamweight title na kanyang inagaw mula kay Mexican Daniel Ponce De Leon via first-round TKO noong Hunyo 7 ng 2008.
“Hindi rin natin hihintayin na mapagod siya hanggang 12 rounds. Bawat round importante para sa akin. Bawat round, from the start kailangan handa tayong makipagsabayan sa kanya,” ani Peñalosa kay Lopez. “It’s either siya o ako.”
Tangan ni Peñalosa ang 53-6-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs, samantalang dala naman ni Lopez, nasa Top Rank Promotions ni Bob Arum, ang 24-0-0 (22 KOs) card.
Hangad ni Peñalosa, sasabay sa kanyang kumpareng si Manny Pacquiao sa pagsasanay sa Wild Card Boxing Gym ni Freddie Roach sa Hollywood, California, ang kanyang ikatlong world boxing belt matapos ang World Boxing Council (WBC) super flyweight at ang WBO bantamweight titles.
Matapos namang agawin ang WBO super bantamweight crown kay Ponce De Leon, dalawang beses itong ipinagtanggol ni Lopez kina Cesar Figueroa at Sergio Manuel Medina sa parehong firstround TKO. (Russell Cadayona)