MANILA, Philippines - Bilang pagbibigay-pansin sa papel ng sportswriters sa pagbuo at pagpromote ng Philippine sports, isang foundation ang itatatag para sa Philippine Sportswriters Association.
Nangako ng P1M ang business magnate na si Manny V. Pangilinan para sa pangunahing pondo na paiikutin at magtatatag ng isang institusyong para sa kapakinabangan ng sports-writing fraternity.
Ibinigay ni Pangilinan, ang taong may kinalaman sa tagumpay ng Philippine Long Distance Company at ng Smart Communications Incorporation, ang nagbigay ng kasiguraduhan, sa pagtanggap nito ng karangalan bilang sports Patron of the Year sa PSA Awards Night na ginanap sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion noong Biyernes ng gabi, kung saan siya rin ang panauhing pandangal.
“Seldom do sportswriters get the benefit of a foundation. So in behalf of Smart Communications, we’re spearheading the establishment of an organization which would benefit sportswriters. I’m handing out a P1 million fund to get this PSA foundation started,” wika ni Pangilinan na sumorpresa sa lahat ng sportswriters sa kanyang speech sa simpleng dalawang oras na seremonyas na nagbigay parangal sa mga atletang gumawa ng karangalan noong 2008.
Ang financial package na handog ng tinatawag nilang MVP ay naging hudyat sa pagbibigay din ng donasyon ni Philippine Sports Commission chairman Harry Angping ng P500,000 para sa grupo.
HIndi rin nagpahuli si Manny Pacquiao, ang recipient ng 2008 PSA Athlete of the Year na magbibigay din ng P1M.
“Ito ay tulong at alay ko na rin sa mga Filipino sportswriters na naging malaking bahagi ng aking tagumpay sa boksing,” wika ng ring idol mula General Santos City.
Nagpasalamat si Aldrin Cardona, pangulo ng PSA at sports editor ng Daily Tribune kina Pangilinan, PSC at Pacquiao sa donasyon.
“We truly appreciate the kindness offered by these fine gentlemen to the entire PSA,” patungkol ni Cardona sa P2.5 million financial pledge na tatanggapin ng media group.