MANILA, Philippines - Kabuuang 72 koponan mula sa 43 kolehiyo at unibersidad ang makikita sa aksyon sa darating na Nestea Fit Beach Volley National Circuit ‘09 tampok ang pagtatanggol sa korona ng men’s champion Foundation University at women’s titlist Southwestern University.
Pinagharian nina Rolando Agus at Arnel Amadeo ng Foundation University ang men’s division, habang ang tambalan naman nina Florian Gutierrez at Janelle Tabio ng Southwestern University ang nagreyna sa women’s class noong nakaraang taon.
Hahataw ang Luzon eliminations sa Marso 4-6 sa SM Mall of Asia, habang idaraos naman ang Mindanao elims sa Marso 26-28 sa Tagum Beach sa Volley Drome sa Rotary Park at nakatakda ang Visayas elims sa Abril 16-18 sa Parkmall sa Mandaue City, Cebu.
Tig-dalawang tropa mula sa Luzon, Visayas at Mindanao eliminations ang awtomatikong papasok sa semifinals at national championships sa Mayo 6-9 sa Boracay.
Ang tatanghaling kampeon sa men’s at women’s division ay tatanggap ng top prize na P100,000, samantalang ang sesegunda at tetersera ay makakakuha ng P65,000 at P35,000, ayon sa pagkaka-sunod. (Russell Cadayona)