MANILA, Philippines - Umaasa ang Philippine Sports Commission (PSC) na mapapababa nila sa P50 milyon ang mga unliquidated cash advances ng mga National Sports Associations (NSAs) mula sa orihinal na P102 milyon.
Ito ang positibong pahayag ni Rachel Dumuk, ang iniluklok ni PSC chairman Harry Angping bilang pinuno ng NSA Affairs, mula na rin sa kanyang isinagawang one-on-one session sa mga sports associations kamakailan.
“We’re hoping that this will go down to P50 million,” wika ni Dumuk sa unliquidated cash advances ng mga NSAs kung saan ang Philippine Amateur Swimming Association (PASA) ni Mark Joseph ang may pinakamalaking cash advances na P19 milyon.
Bukod sa pagpapalit ng presidente ng mga NSAs, ang kahirapang makuha ang ilang dokumento ang pinoproblema ni Dumuk.
“Unfortunately, some of these expenses are really very difficult to liquidate with the proper documents. Like, let say a hotel accomodations receipt dating back to 2003,” wika ni Dumuk. “I don’t think that any hotel could still issue that kind of official receipt.”
Tanging ang baseball at bodybuilding ang dalawang NSA na wala nang unliquidated cash advances, habang wala namang utang ang soft tennis, ice skating, handball at wind surfing, ayon kay Angping, dating pangulo ng softball association.
Bukod sa paghahabol sa mga sports associations na sinabi ni Go Teng Kok ng track and field association ay isang halimbawa ng ‘harrassment’, nakikipag-usap rin ang PSC sa Commission on Audit (COA).
“Right now, we still have to consult with the Commission on Audit on what can be done regarding this matter,” dagdag ni Dumuk.
Binigyan ni Angping ang mga NSAs na may unliquidated cash advances ng hanggang sa katapusan ng Pebrero para ayusin ang naturang problema sa komisyon. (Russell Cadayona)