Ipinakita ni Kelly Williams na hindi lamang siya slam dunk sensation matapos mapagwagian ang Most Valuable Player trophy sa PBA noong nakaraang taon.
Ang 6’4 na si Williams ang unang player na nagwagi ng pinakamataas na parangal ng liga sa kanyang sophomore year matapos na gawin ito ni James Yap noong 2006.
At sa Pebrero 20 sa Alegria Lounge ng Manila Pavilion Hotel, pararangalan si Williams ng Philippine Sportswriters Association bilang major awardee para sa professional basketball sa San Miguel Corporation-PSA Annual Awards Night.
Makakasama ni Williams sina wushu bet Willy Wang at golfers Jennifer Rosales, Dorothy Delasin, Dottie Ardina at Angelo Que bilang recipients ng major award na igagawad sa dalawang oras na awards nights na hatid ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR).
Si Manny Pacquiao ang unanimous choice bilang 2008 Athlete of the Year ng 60-year old media organization na binubuo ng mga editors at sportswriters mula sa iba’t ibang national broadsheets at tabloids.
Kasabay ng paggawad ng parangal ang pagluklok sa 30 anyos na boxing sensation sa PSA Hall of Fame sa Annual Awards Night na suportado din ng Villar Foundation, PSC, POC, Shakey’s, Accel, PBA, PBL, NCRAA, ICTSI, Smart, Purefoods, Ginebra, Ever Billena, Harbour Centre, Secretary Lito Atienza, Pharex, Games and Amusements Board (GAB) at Mighty Sports Corporation.