Iyon na ang kabuuang kwento ng San Miguel Beer sa KFC PBA Philippine Cup!
Ang tinutukoy natin ay ang pangyayaring fourth place lang ang naisalba ng Beermen sa torneong ito matapos na matalo sa Sta. Lucia Realty, 99-97 sa one-game battle for third noong Miyerkules.
Kahit na undermanned ang Beermen ay nakapagbigay sila ng magandang laban kontra sa deposed champions.
Iyon naman ang kanilang istorya sa kabuuan ng torneo, e. Undermanned sila. Kulang sa tao. Hindi kailanman nagkaroon ng kumpletong line-up ang tropa ni coach Bethune “Siot” Tanquingcen kaya’t nahirapan sila.
Hindi nga ba’t hindi nakapaglaro si Danilo Ildefonso na nagre-recover sa operasyon? pagkatapos ay nagtamo pa ng ACL injury ang lead point guard na si Mike Cortez. Hindi din naman 100 percent healthy si Danny Seigle. On and off din ang injury ni Lordy Tugade.
Kung 100 percent healthy ang San Miguel, aba’y baka ito ang nakakuha ng isa sa dalawang automatic semifinals berths. Baka ang Beermen ang siyang lumalaban ngayon sa best-of-seven championship round.
Pero hindi nga iyon itinadhana.
Marami ang sumisisi kay Tanquingcen sa kabiguang tinamo ng Beermen. Pero ano ba naman ang puwede pang gawin ni Tanquingcen kung hindi nga kumpleto ang kanyang line-up?
Oo’t sa simula ng season ay nakuha ng San Miguel sina Jay Washington sa Talk N Text at Mick Pennisi sa Red Bull. Bukod dito’y nasungkit din nila sa draft ang sensational rookie na si Bonbon Custodio.
High hopes talaga ang lahat sa San Miguel dahil sa mga acquisitions na ito.
Pero mahalagang piyesa lang sila at mapapakinabangan lang nang husto kung buo ang team. Dahil sa pagkawala ng ibang players, naobliga silang maglaro nang sobra sa kanilang makakaya. Bunga nito’y hindi mama-maximize nang husto ang kanilang talents.
May nagsasabing baka mapalitan si Tanquingcen bilang coach ng San Miguel dahil sa kanilang kabiguan. Ayon sa ilan, baka ang beteranong point guard na si Olsen Racela ang iluklok. Hindi natin alam kung gaano katotoo ito.
Pero baka naman maging counter-productive pa ito kung sakali.
Kasi nga’y kulang sa matinding point guard ang San Miguel dahil nagre-recover pa si Cortez sa surgery. Kung si Racela ang magko-coach, lalo silang magkakaproblema sa point guard. Unless playing coach si Olsen.
Mas mabuting si Tanquingcen ang patuloy na humawak sa Beermen. Pansamantalang kabiguan lang naman ang nangyari, e.