Inaasahang magiging matindi ang labanan ngayon ng Magnolia Purewater at Bacchus Energy Drink na magsasagupa sa do-or-die match para sa huling finals slot sa 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Nakatakda ang deciding Game-5 na babasag ng kanilang pagtatabla sa 2-2 panalo-talo sa best-of-five semis series sa alas-2:00 ng hapon.
Ang mananalo sa sagupaang ito ay siyang haharap sa nauna nang semifinalists na six-peat seaking Harbour Centre sa finals sa isa na namang best-of-five championship series.
Hangad ng Magnolia na ipagpatuloy ang kanilang winning tradition habang determinado naman ang Energy King na tuparin ang kanilang pangarap na makarating sa finals sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang kanilang apat na taong pagkampanya sa liga.
Naipuwersa ng Wizards ang sudden-death match na ito matapos ang kanilang 83-69 panalo sa Game-4 kamakalawa.
Inaasahang makakatulong sa Magnolia ang momentum mula sa panalong ito sa kanilang pakikipaglaban sa Lucio Tan-owned Bacchus team na binubuo ng mga players ng University of the East na karamihan ay puro rookie sa ligang ito.
“I could not say we have gained the momentum but I’m sure the boys will be playing with lots of pride and confidence going to our do-or-die game,” pahayag ni Magnolia coach Koy Banal.
Tangka ni Banal ang kanyang ikatlong championship sapul nang magsimula siyang magcoach sa premier amateur basketball league na ito noong 2003.
Umaasa si Banal na muling bubuhatin ni Neil Raneses ang team tulad ng kanyang ginawa sa kanilang nakaraang tagumpay kung saan naasahan siya sa depensa.
“His brilliance somehow rubbed off on his teammates,” ani Banal ukol sa 6’4 Cebuano Hotshot na tumapos ng 23-puntos at 12 rebound sa nakaraang laro. “We go back to the basic by playing relaxed and focused. But the most important thing is that we believe in ourselves.”
“I am a strong believer that defense is a good offense, so I think the series boils down to who will play real defense,” wika pa ni Banal. (Mae Balbuena)