Finals puntirya ng Bacchus

Hindi lumitaw ang pangalan ng Bacchus Energy Drinks sa mga contenders sa kaagahan ng torneong ito at ngayon may tsansa silang maitatak ang kanilang pangalan.

Tangka ng Bacchus ang ikalawa at huling finals slot sa pakikipagharap sa Magnolia Purewater sa Game-4 ng kanilang semifinal series sa 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup na magpapatuloy sa Ynares Sports Center sa Pasig City.

Halos puro rookie ang nasa team ng Energy Kings at wala pa silang nakukuhang titulo sa apat na taong pagkampanya sa liga at ngayon ay may pagkakataon silang makipaglaban para sa titulo.

Nakatakda ang sagupaan ng Wizards at ng Energy Kings sa alas-2:00 ng hapon kung saan ang mananalo ay sasagupa sa Harbour Centre na naghihintay na ng kanilang kalaban sa best-of-five finals.

Na-sweep ng mga Batang Pier ang kanilang sariling best-of-5 semis series sa 3-0 sa pamamagitan ng 69-65 panalo kamakalawa.

Ang makarating sa finals ay isa nang malaking tagumpay para sa Bacchus na may 11 players sa line-up at tatlong beterano lamang at isang malaking karangalan ang makaharap nila ang beterano at bigating Harbour Centre sa finals.

Nakuha naman ng Bacchus ang 2-1 kalamangan sa kanilang sariling best-of-five semifinal series kontra sa Magnolia matapos ang 89-83 panalo kamakalawa.(Mae)

Show comments