Hanggat maaari ay gusto na ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco na resolbahin na ang lahat ng problema ng mga National Sports Associations (NSA)s.
Ito, ayon kay Cojuangco, ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang Constitution and By-Laws ng mga NSAs na dapat isumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).
“Talagang kailangan ayusin na natin ito for once and for all,” wika ni Cojuangco, pangulo rin ng Philippine Equestrian Federation (PEF). “The sooner that we can settle all these questions, the better we can really reach our objectives.”
Kabilang sa mga sports associations na may kinakaharap pa ring internal problems ay ang archery, billiards, badminton, cycling, karate, swimming, wrestling at wushu.
Kahapon ay ipinagpaliban ng Philippine Bowling Congress (PBC) ang kanilang eleksyon mula na rin sa kahilingan ng POC. Sa halip ito ay itinakda sa Marso 1, ayon kay secretary-general Bong Coo.
Bukod sa Constitution and By-Laws, problema rin ng POC ang mga unliquidated cash advances ng 55 NSAs mula sa Philippine Sports Commission (PSC) na umabot na sa P102 milyon. (RCadayona)