Masama man ang naging umpisa ng Pharex ay nakahabol pa rin sa quarterfinals ng Philippine Basketball League (PBL) PG Flex Linoleum Cup ang Generix at nasa kanila pa ang momentum sa duwelo kontra Hapee Toothpaste.
Ang Pharex ay natalo sa unang anim na laro ng torneo at papasok sa second round ay marami ang nag-akalang tapos na ang tropa ni coach Carlo Tan. Una silang mae-eliminate.
Pero sa totoo lang, kung panonoorin ang mga games ng Pharex sa first round, makikitang may anghang ang koponan, e. Kasi nga’y nakuha nito ang top pick overall sa Draft na si Chris Ross, isang six-foot guard.
Malaking bagay si Ross pero nag-aadjust pa lang ito sa bagong kapaligiran at bago niyang kakampi. Hindi siya kaagad nakagawa ng magandang impact.
Nagkaganon man, okay ang performance ng Pharex sa first three quarter kung saan consistently ay nalalamangan nila ang kalaban. Sa fourth quarter na lang talaga tumutukod ang Generix. Ang tuksuhan nga’y kung ang isang game ay may tatlong quarters lamang, aba’y 6-0 sana ang record ng Pharex sa first round.
So, iyon talaga ang tinatrabaho ni Tan sa second round. Kailangang matuto ang kanyang mga bata na maglaro ng apat na quarters kailangan nilang magkaroon ng poise sa endgame.
Well, sa simula pa lang ng second round ay ipinakita ng Generix na handa silang bumawi nang bahiran nila ng pagkatalo ang record ng nangungunang Harbour Centre, 78-74. Iyon ang unang kabiguan na nalasap ng Batang Pier sa torneo.
Kumbaga’y nagtagumpay ang Pharex kung saan nabigo ang limang iba pa’ng koponan.
Mahalaga ang panalong iyon sa pagtaas ng morale ng Pharex.
Sabihin na nating nagtapos ang Harbour Centre nang may 9-3 record sa double round elims. Ibig sabihin ay natalo pa nang dalawang beses ang Batang Pier. Pero ang huling dalawang kabiguan nila’y “affordable” na kasi nakarating na sila sa semifinals at walang bearing na iyon. So, nang tinalo ng Pharex ang Harbour Centre, aba’y may bearing pa iyon sa Batang Pier.
Matapos ang initial na panalo kontra Harbour Centre ay muling nakalasap ng kabiguan ang Pharex sa kamay ng Burger King, 73-67 noong Disyembre 13. Pero iyon na ang huling pagkatalo nila sa torneo. Napanalunan nila ang huling apat na games kontra Hapee Toothpaste (73-67), Magnolia (81-73), Bacchus (96-77) at Toyota Otis (71-69) upang tuluyang pumasok sa quarterfinals.
Taglay ang momentum, kahit na kailangan nilang talunin ng dalawang beses ang Hapee Toothpaste, medyo maganda ang pakiramdam ni Tan at ng Generix.
Hindi nakasisiguro ang kanilang kalaban!
Sabi nga nila, mas mahalaga ang magandang pagtatapos kaysa sa magandang panimula.