Matapos ipakita ang kanyang potensyal sa harap ng mga Amerikano, pagkakataon naman ni Filipino super bantamweight sensation Bernabe Concepcion na lumaban sa harap ng kanyang mga kababayan.
Sasagupain ni Concepcion si Kenyan Sande Otieno para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) International featherweight belt ngayong gabi sa Araneta Coliseum.
Mula sa pagiging super bantamweight champion ng North American Boxing Federation (NABF), umakyat ang 20-anyos na tubong Virac, Catanduanes sa lightweight division.
“Siyempre, ngayon lang ulit ako mapapanood ng mga kababayan ko, kaya gagawin ko ang lahat para manalo ako sa laban na ito,” pangako ni Concepcion.
Tinaguriang “The Real Deal”, nagbabandera si Concepcion ng 27-1 win-loss ring record kasama ng 16 KOs, samantalang taglay naman ng 33-anyos na si Otieno ang 16-1 (7 KOs) card.
Huling biniktima ni Concepcion si Giovanni Caro mula sa isang eight-round KO noong Setyembre sa California makaraan na ring umiskor ng isang third round KO kay Adam Carrera sa undercard ng Antonio Margarito-Miguel Cotto World Boxing Association (WBA) welterweight title fight.
Kumpara kay Concepcion, nanggaling naman si Otieno sa isang kabiguan matapos isuko ang isang five-round technical decision kay Filipino Balweg Bangoyan na siyang humubad sa kanyang dating suot na WBC international belt noong Oktubre sa Davao City.
Nasa undercard naman ang upakan nina dating Oriental Pacific Boxing Federation (OPBF) at world light flyweight challenger Sonny Boy Jaro at Nanpayyak Sakkipin ng Thailand at salpukan nina Philippine mini flyweight champion Denver Cuello at Indonesian junior flyweight titlist Yanus Emaury. (Russell Cadayona)