Lalo pang paiigtingin ni national coach Yeng Guiao ang pag-eensayong gagawin ng PBA-RP Team para sa kanilang kampanya sa FIBA-Asia Men’s Championships.
Nakatakdang simulan ni Guiao ang dalawa hanggang tatlong beses na training ng national squad simula sa Pebrero o kaya ay sa katapusan ng buwang ito.
Inihayag ni Guiao ang desisyong ito noong Lunes sa pagbabalik-practice ng RP Team sa The Arena, San Juan.
“We’re still in the familiarization stage. We’re trying to get as much in without bothering the teams playing in the quarterfinals,” pahayag ni Guiao. “But as the tournament gets closer, we have to go deeper into training. At saka by February, apat na lang ang naglalaro sa PBA. Six teams will have their players free.”
Nakatakda ang FIBA-Asia Tournament sa August 6-16 sa Tianjin, China na siyang magsisilbing qualifying competition para sa 2010 World Championships sa Istanbul na siyang puntirya ni Guiao.
Gayunpaman, kailangang dumaan ang PBA-backed national squad sa Southeast Asian Basketball Association tourney sa April 2-6 para magqualify sa FIBA-Asia championships.
Wala pang official venue ang SEABA championships ngunit nagbid ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na pinamumunuan ni Manny V. Pangilinan sa paghohost nito.
“As I’ve told the players, this is the time to do all family obligations, and to let all injuries heal. Gawin na nilang lahat ng dapat nilang gawin ngayon so they can focus on their obligation to the team when tournament time comes,” ani Guiao. “We can be a little lenient with their schedule now. But as the tournament gets closer, we’ll be stricter with attendance.”
Sinabi naman ni PBA commissioner Renauld ‘Sonny’ Barrios na sumipot din sa unang araw ng practice ng RP team para sa taong ito kasama si league operations and technical chief Rickie Santos, na plano nilang ipadala si Guiao sa ilang scouting trips dito sa Asia.
“Maybe that can be arranged since the team has very limited foreign exposure due to the tight PBA schedule,” ani Barrios. “Para masilip rin niya yung mga magiging kalaban. Puwede niya sigurong subaybayan pag may tournaments doon.”
Pabor naman si Guiao sa ideya dahil ang kanyang oras ay nakalaan na lamang para sa RP Team makaraang magbitiw ito bilang head coach ng Red Bull, ilang araw pa lamang ang nakakaraan. (Mae Balbuena)