Maningning na tinapos ng world’s best pound for pound boxer na si Manny Pacquiao ang 2008 ng siya ay hirangin bilang ESPN STAR Sports’ Champion of Champions kahapon matapos manguna sa isang buwang online botohan na nagdeklara sa sports personality of the year na gumawa ng malaking impact sa world sports.
Ibinoto ng mga fans mula sa buong Asya si Pacquiao bilang unanimous winner matapos na makakuha ng kabuuang 1,459,494 boto o 90.62 percent sa Finals kontra kina Malaysia’s world number one squash player Nicol David, na nakakuha lamang ng 151,142 boto o 9.38 percent sa pagtatapos ng botohan sa ESPN Sports’ websitewww.espnstar.com nitong Martes ng gabi.
Nakarating ang Filipino ring sensation sa Finals matapos na talunin ang Indian cricket legend na si Saching Tendulkar sa semifinals. Naunang ginapi ni Pacman si Liverpool striker Fernando Torres ng Spain sa quarterfinal round at ang motorcycle racer na si Valentino Rossi ng Italy sa first round.
Ang inaugural Champion of Champions competition ay layunin na makakuha ng mga opinion mula sa publiko upang madetermina ang individual na nakagawa ng magandang achievements na tumatak sa mga manonood sa taong 2008.