Ipinahayag kahapon ni Nokia RP Under 16 team coach Eric Altamirano na kailangan ng koponan ng matatangkad na players sa open tryouts na gaganapin sa January 2-4 sa Jacinto Tiu Court sa Xavier School sa Greenhills, San Juan.
“We will also be in the lookout for big players who can play inside, rebound and run the floor,” patungkol ni Altamirano sa three-day tryouts na naka-iskedyul mula alas-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.
Sinabi ni Altamirano na kinokonsidera para sa lahat ng nais maging bahagi ng koponan ang sound fundamentals, quickness at good outside shooting. Ang lahat ng interesado ay kailangang ipinanganak ng January 1, 1993 at mas nauna pa.
“The formation of the team is, of course, always in the context of the competition not only in Southeast Asia but also in the Asian region where we will be up against tall, strong, quick and fundamentally-sound rivals,” paliwanag ni Altamirano, dating University of the Philippines (UP) Maroon, Purefoods champion coach at assistant coach ng Philippine team sa 2002 Busan Asian Games.
Sa katunayan, ilan sa mga players na makakabilang sa Nokia RP U16 ay magmumula sa kasalukuyang National Basketball Training Center (NBTC) D-League.
Ang Nokia RP Under 16 team ay isasabak sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) youth tournament sa May na ang top two players ay seeded sa FIBA-Asia 16 Under Tournament. Para sa ilang detalye tumawag sa SBP office sa 706-2969-70, Lunes hanggang Biyernes at hanapin si Ms. Love Viray.