AL AIN, UAE – Agad na nakapanorpresa ang fourth seed Tagaytay Chess Club-RP, matapos na maligtasan ang unang dalawang laban kung saan tinalo ng Pinoy chessers ang Al Shuolaa (Yemen), 4-0 at ang Mon-Cad (Mongolia), 3.5-.5 upang pansamantalang makuha ang pangunguna sa first Asian Club Cup chess team championship dito.
Nagposte sina Dubai Open champion GM Wesley So, Mark Paragua at Darwin Laylo ng back-to-back na panalo upang pamunuan ang kampanya ng Filipinos sa prestihiyosong 30-team tournament na ito na inorganisa ng Asian Chess Confederation (ACC) sa ilalim ng kanilang presidente na si Shaikh Sultan Bin Khalifa Bin Shakhbout Al Nahyan sa kooperasyon ng Abu Dhabi Sports Council head Shaikh Hazza Bin Zayed Al Nayan.
Winalis ni So, gumawa ng kasaysayan sa 10th Dubai Open nitong nakaraang Abril, ang kalabang si S.S. Alhsarfi ng Yemen sa first round at Bayarsaihan Gundavaa ng Mongolia sa second round upang palakasin ang Filipinos asam na US$20,000 (Dh73,560).
Ginapi naman ni Paragua, ang ikatlong highest-rated player sa likod nina So at GM Eugene Torre na may ELO na 2526 si FM Yahya Faraj ng Yemen at si GM Bazar Hatanbaatar ng Mongolia, habang namayani si Laylo kay Sabri Abdul Moula at Nambai Battulga.
Tanging ang GM na si John Paul Gomez lamang ang nabigong makumpleto ang sweep sa kanyang unang dalawang laban sa board two.
Tinalo ni Gomez, nakuha ang kanyang GM title sa 38th World Chess Olympiad sa Dresden, Germany nitong nakaraang buwan. Si Rahman Nawas Abdul ng Yemen sa first round pero nakuntento ito sa draw kay FM Cegmed Bathchuluun ng Mongolia sa sumunod na round.