Palalawigin ni Mikee Romero ang kanyang pakpak sa komunidad ng sports sa kanyang pagpasok sa cycling na isa sa kanyang mahal.
Ang may-ari ng Harbour Centre na chairman din ng Philippine Basketball League ay makikilahok sa eleksiyon ng PhilCycling sa Enero 16, 2009 sa Amoranto Multi-Purpose Hall sa Quezon City.
Si Romero, dating De La Salle Green Archer na nakiki-bahagi din sa volleyball, baseball at martial arts, ay kakatawanin ang Harbour Centre Cycling Clubs sa eleksiyon kung saan 15 miyembro ng PhilCycling board ang iboboto.
Sa kasalukuyan, may 27 cycling clubs president ang nagpahayag ng kanilang intensiyong tumakbo.
“I’m an avid fan of cycling since the golden days of the Tour of Luzon, so I just hope I will be given the chance to help cycling, especially the amateur ones,” ani Romero, na Harbour Centre ang sumusuporta sa national basketball team.
Inimbitahan si Pat McQuaid, presidente ng Union Cycliste Internationale, ang world governing body para sa cycling, para mag-obserba sa eleksiyon ng PhilCycling na ginaganap tuwing isang ikot ng Olympic cycle.
Mahigit sa 100 clubs mula sa buong bansa ang nagparehistro sa eleksiyon. Gayunpaman, kikilatisin pa rin ng PhilCycling election committee ito.
Mahigpit na oobserbahan ang election procedures tulad ng kautusan ng Philippine Olympic Committee sa ilalim ng pangulo na si Jose Cojuangco.
Ang National Sports Association tulad ng PhilCycling, na opisyal na nakarehistro bilang Integrated Cycling Federation of the Philippines na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission, ay kailangang magsumite ng kuwalipikadong listahan ng mga boboto gayundin ng mga listahan ng kandidato at ang kanilang constitution and by-laws sa POC bago magdaos ng eleksiyon. Isang kinatawan ng POC ang mag-oobserba din sa naturang eleksiyon.