Matapos ang eight round stoppage kay world six division champion Oscar Dela Hoya noong Linggo, inilista naman ng World Boxing Council (WBC) si Manny Pacquiao sa kanilang nominasyon para sa 2008 Boxer of the Year.
Bago si Dela Hoya, tinalo muna ni Pacquiao si Juan Manuel Marquez noong Marso 15 via split decision para sa WBC super featherweight crown world at si David Diaz mula sa isang ninth round TKO noong Hunyo 28 para sa WBC lightweight title.
Bukod kay Pacquiao, ang nag-iisang Asian fighter na tinanghal na word four division titlist, ang iba pang nasa listahan ng WBC para sa 2008 Boxer of the Year ay sina WBC heavyweight king Vitali Klitschko ng Ukraine at WBC light flyweight ruler Edgar Sosa ng Mexico.
Nakakuha rin si Pacquiao ng nominasyon para sa 2008 Fight of the Year kung saan niya sinagupa si Marquez para sa kanilang rematch matapos itakas ng Mexican ang isang draw noong Mayo ng 2004.
Nasa listahan rin ang laban ni Klitschko kay Samuel Peter at ang salpukan nina Israel Vazquez at Rafael Marquez.
Kasama naman ang ninth-round TKO ni Pacquiao kay Diaz sa 2008 Knockout of the Year na kinabibilangan rin ng ninth-round TKO ni Vic Dar-chinyan kay Cristian Mijares, ang second-round TKO ni David Haye kay Enzo Maccarinelli at ang sixth round TKO ni Antonio Pitalua kay Armando Santa Cruz. (Russell Cadayona)