Inihayag na ni national coach Yeng Guiao kahapon ang kanyang 14-man PBA-backed Philippine team na sasabak sa FIBA-Asia World Championship qualifier sa September 2009 sa Guangzhou, China.
Inihayag ni Guiao ang mga pangalan nina Gabe Norwood ng Rain or Shine, Jared Dillinger ng Talk ‘N Text, Jayjay Helterbrand ng Barangay Ginebra, Cyrus Baguio ng Red Bull, Mick Pennisi ng San Miguel Beer, Asi Taulava ng Coca-Cola, James Yap at Kerby Raymundo ng Purefoods, Kelly Williams at Ryan Reyes ng Sta. Lucia Realty, Ranidel de Ocampo at Arwind Santos ng Air21 at sina Willie Miller at Sonny Thoss ng Alaska sa press conference na ginanap sa PBA office sa Libis, Quezon City kahapon at ayon sa kanya ay puwede pang madagdagan ito.
Inihayag din ni commissioner Sonny Barrios na ang naturang team din ang kakatawan ng bansa sa mga qualifying competition patungo sa FIBA tournament na nangangahulugang lalahok ang PBA squad sa Southeast Asian Basketball Association Championship sa May 2009, na magsisilbing qualifying event para sa FIBA-Asia tilt.
Ayon kay Barrios, alam na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang kanilang desisyon sa pamamagitan ni vice chairman at PBA board member Ricky Vargas ng Talk ‘N Text.